Thursday, August 06, 2009

Come one, come all tomorrow--plus, more voices

PAGDADALAMHATI NG BAYAN PARA SA GAWAD PAMBANSANG ALAGAD NG SINING (NECROLOGICAL SERVICE FOR THE NATIONAL ARTIST AWARDS)

August 7, Friday, 2 p.m.–5 p.m.
Lamay: CCP Front Ramp
Prusisyon: Plaza Roma hanggang NCCA
Libing: NCCA

PROGRAM
PAGTITIPON: Kung saan magtitipon ang mga nagluluksang Pambansang Alagad ng Sining, mga artista, pangkulturang manggagawa at ang mga nakikiramay sa CCP Ramp

PROSESYONAL Ng mga Kababaihang Nakaitim Na May Lulang Korona ng Bulaklak

LUPANG HINIRANG: Pangungunahan ni Bituin Escalante ang pag-awit ng “Lupang Hinirang”

PAMBUNGAD: Pagpapahalaga ng Pambansang Alagad ng Sining Salvador Bernal sa layunin ng pagtitipon

PARANGAL: Pagpapahalaga ng Pambansang Alagad ng Sining BenCab tungkol sa birtud ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining

PAG-ALAY NG BULAKLAK AT HIMIG: Pag-alay ng bulaklak ng mga dumalong Pambansang Alagad ng Sining habang tumutugtog ang musikerong si Renato Lucas sa cello

BALAC: Balagtasan ng mga makata ukol sa usaping “Paano Kumatay ng Pambansang Alagad ng Sining”

PAYASO: Ihahayag ni Juana Change ang kanyang panig na pinamagatang “National Artist na Ako!--Have Mercy on Us!”

DALIT: Ipagdadasal ng lahat ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining at mananalangin na iadya sa mga budhing masasama. Pamumunuan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario habang sumasagot ang lahat ng sabay-sabay.

MANIPESTO: Babasahin ng Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang panawagan at Paninindigan ng mga Artista, Pangkulturang Manggagawa at ng Nakikiramay na Bayan.

RESESYONAL: Isasakay ang Korona ng Bulaklak sa auto-punebre at hahanay ang mga sasakyan para sa motorcade patungong Intramuros.

PRUSISYON NG TAUMBAYAN: Magtitipon ang lahat sa Plaza Roma at magpuprisyon patungo sa Tanggapan ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA).

LIBING: Ililibing ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining sa paanan ng tanggapan, iiwan ang Korona ng Bulaklak at magtitirik ng mga kandila.

Pinapayuhan ang lahat na magsisidalo na:
Magsuot ng panluksa
Magdala ng itim na payong
Magdala ng kandila
Ipaalam kung maaring magsama ng mga kabayan sa sasakyan papuntang Intramuros (car pool)

Ito ay nagsisilbing imbitasyon at maaring ipalaganap sa lahat ng mga nagmamahal sa Sining, Kultura at Katotohanan.


PLUS: Again, in the interest of fairness, a strong dissenting voice against one of the protest leaders, National Artist for Literature Virgilio Almario, raised by avetzki (avetzki@yahoo.com) at the Philippine Cinema Yahoogroups forum and published here verbatim. It gets curiouser and curiouser...

Katotong Rody,

Ayos sana ang nanunuya sa administrasyong Arroyo na panawagan ng pagdarasal ng sector ng mga artists sa GAWAD PAMBANSANG ALAGAD NG SINING (NATIONAL ARTIST AWARDS) 1972–2009. Napaka-malikhaing paraan ng protesta! Pero hindi ko maiwasang mangilabot nang makita ko ang bahaging ito ng programa:

“DALIT: Ipagdadasal ng lahat ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining at mananalangin na iadya sa mga budhing masasama. Pamumunuan ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario habang sumasagot ang Lahat ng sabay sabay.”

Si Almario ang mamumuno sa DALIT? Maraming beses lumabas sa mga sulating akademiko, balita, pampanitikan, na ang pangalang `yan ay sangkot sa pakikipagsabwatan sa mga Marcos noong panahon ng Snap Election noong 1985 hanggang EDSA 1 ng 1986.

Sabi ni Prof. Reuel Aguila sa PP310 na isinumite niya sa klase niya sa Departamento ng Filipino, UP-Diliman,

“Nasa mga panahon ding ito nang masangkot ang pangalan ni Almario sa paglalabas ng dalawang lampoon issue laban sa Mr. ang Ms. at ang Malaya, mga pangunahing publikasyong tumutuligsa sa diktadura. Lumabas ang mga isyung Miss and Miss (sablay nang sablay), at ang Ang Madaya.

Nakita ang bulto ng mga lampoong ito sa bodega ng Aklat Adarna na nasa may Sct. Rallos.”

Nagresulta ito sa tahasang pangunguna ni Almario sa pahayag ng Coalition of Writers for the Advancement of Democracy (CoWArd) para iendorso ang kandidatura ni Marcos laban kay Cory. Ngayong ililibing si Cory ay parang dura na pabaon ito sa kanya.

Narito pa ang isang alusyon kay Almario ng tatlong beses na ginawaran ng Komisyon ng Wika ng Makata ng Taon, Tomas F. Agulto.

MAKATANG KUNG-KUNG: “Himodism, the most prevalent movement among writers without self respect.” ( Gras Reyes)

Kung nakipagtanggo man ako kay Imelda
Kung tinuya ko man ang taumbayang nagpista sa EDSA
Dahil magaling naman akong magre-organisa
Inominate nyo naman akong maging Pambansang Artista

Kung labag sa kagandahang asal ang aking ginawa
Kung kasalanan ma't medyo kahiya-hiya
Ngunit dahil sapagkat matinik naman akong magsulat ng tula
Karapatdapat din akong maging Pambansang Makata!

Nagsunog si Almario ng mga plake at tropeo sa martsa ng mga manunulat noong First Quarter Storm. Pero naging kolaboreytor ng diktador. At ngayong nataon sa libing at pagluluksa para sa icon ng demokrasya ang protesta laban sa pamabababoy ng administrasyong Arroyo sa sining at kultura, mangunguna ang kolaboreytor,

“mananalangin na iadya sa mga budhing masasama.”

Magandang malasakit ito sa mga artists at mamamayan. Pero ni walang alternatibong gawad yata ang aktibidad kung talagang malasakit ito sa mga deserving. Nababahiran ng ipokrisiya ang pagsusumikap ninyo. Gusto ko mang makiisa, pero dahil kulang ng paglilinaw tungkol sa tunay na values ng mangunguna sa dalit, dito na lang muna ako sa tabitabi kaysa pumunta d'yan sa CCP.

Ang panahon ngayon ay mabuting ituon sa pagtukoy sa tunay na birtud ng DANGAL at saan ito maikukonek kung si Almario ang manguna sa dasal? Sa Divine Source ba o sa source ng mga tuso?

PLUS PLUS: Lea Salonga's comment in my Multiply post re Frank Rivera's “defense in verse” of Cecile Guidote Alvarez.

“The argument against Cecille isn't her talent or her contributions to the art of theater, but the whole idea of delikadeza. If she wasn't working for Gloria in the capacity that she currently is, and was nominated for her work, chances are she'd get the award hands down.

“So it's not about what she's done but the position she's in. Mukhang lutong makaw, na ginamit lang niya ang kanyang kapangyarihan upang maibigay niya sa sarili niya ang napakataas na parangal na iyon.”


2 comments:

Anonymous said...

huwag na tayong magkunwari. aminin nang hindi katanggap-tanggap ang mga gawa ni CJC sa karamihan ng mga artista at manunulat. as in basura ang mga ito para sa iba. pero para sa mga nagbabasa ng komics at mahilig sa massacre movies, bentang-benta ang mga gawa ni CJC!

so, nasaan o sino ang problema?

Hindi si CJC. Maaaring ang prosesong sinasabi ninyo, pero aminin na rin nating talagang nakikialam ang presidente sa prosesong ito para iluklok ang kung sino mang gusto niyang iluklok. hindi na kayo nasanay. sa mga barangay at tahanan ninyo, nangyayari ang ganyang palakasan—araw-araw.

so saan na ulit ang problema?

Tanungin kaya natin: bakit lumaganap ang mga massacre movies? bakit kasi bentang-benta ang komics sa masa?

Bakit hindi kilala ng marami si ben cab at ang kanyang mga likha? bakit ang mga taga-UP lang ang nakakakilala kay bien lumbera?

gets nyo? Hindi naman alam ng mga masa na pangit ang gawa ni CJC at “art” ang gawa ni Bencab. Inaantok sila sa gawa ni Mike de Leon pero gising na gising at nakakarelate sila sa gawa ni CJC. Kaya nga hanggang ngayon, bentang-benta pa rin iyan sa mga television network. Pero noong nagproduce ng mga akdang pampanitikan para gawing drama sa tv—ilang buwan ba ito nagtagal?

Kung pangit at kulang sa kasiningan ang gawa ni CJC, hindi na niya kasalanang tinatangkilik siya ng masa. Ngayon, kasalanan ba nina Bien at Bencab at ng iba pang kahanay nila kung hindi maarok ng ordinaryong mamamayan ang kanilang mga gawa?

erasmusa said...

and once again, we have to ask ourselves...

"but is it art?"

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Search this blog or the Web

Loading...