Wednesday, July 06, 2011

'Last year sa Virgin Labfest, you are what you earn, sacred heart, etc.'

[Napakagandang pagninilay-nilay tungkol sa mga mas me saysay na bagay sa buhay ng isang makasining na tao. Reposted with permission from playwright Allan Lopez's FB.]

Napanood ko ang lahat ng mga set sa Virgin Labfest VII sa loob ng isang linggo. For the first six years, meron palaging isang set na namimiss ko.

Timely na din siguro na makumpleto ko sa wakas ang labfest. Kasi feeling ko ito ang “graduation” year ko. Earlier this year, nabanggit ni Rody Vera na pinagiisipan nila ideya na bigyan ng cap ang dami ng beses na ifefeature ang iisang writer--halimbawa’y kapag nakaapat ka na, sa full-length ka na lang puwede. Di ko alam kung naging formal na guideline ito sa kanilang pagpili (o kung magiging guideline? di ako aware sa totoo lang kung ito ba'y kanilang iimplement), pero naniniwala ako ng bonggang bongga sa pinanggagalingan nito. Kung may impluwensya man ako sa kanilang selection process, ito ang aking isusuggest very strongly. Gusto ko rin kasi makapanood ng mga bagong akda mula sa mga bagong manunulat--maski iyong sa unang sipat e hindi ko magugustuhan. Malaking bahagi din yan ng charm ng isang laboratory festival.

Kaya ayun, tinuturing kong graduation year ito. May full-length musical akong niluluto tungkol sa buhay factory, pero malabong matapos ko ito sa isang taon (mabagal kasi ako magsulat). Kaya siguro kung papalarin akong isama sa labfest sa isang taon, malamang sa mga reading na lamang.

Pero nandoon pa rin ako sa isang taon, bilang audience. Mabuti na lang nauso na ang festival pass.

Hinding hindi ko kakaligtaan ang mga susunod na VLF, unless bigla akong mamatay o magkataong nasa ibang bansa. Nakakahiya mang aminin, ang dalawang linggo ng labfest ang isa sa mga highlight nitong mga nakaraang taon. Maski noong dalawang taon na hindi ako kasama, siya pa rin ang highlight.

E kasi medyo boring naman ang buhay ko (ito yung bahaging nakakahiyang aminin) – buhay empleyado. Ang Lunes hanggang Biyernes ay nakalaan para sa walong oras na pagupo sa harap ng isang desk. Siyempre nandun na ang ilang oras ng pagcommute sa bawat araw. Lalo na ngayon, sa Batangas ako pumapasok. Sa isang factory, tangina. Tapos sa Las Pinas nakatira--na gaya nga ng sabi ng kaibigan ko, isang “inconvenient” na lugar, lugar kung saan maski taksi kung minsan ayaw puntahan. Kapag Sabado naman, kailangan mong maglaba. Kapag Linggo, kung minsan tatamarin ka na lumabas. Kaya siguro sa opisina namin, uso ang popular entertainment at mga bagay na mabilis--mga soap, mga hollywood na pelikula, mga mall, mga fastfood, online shopping, twitter, paulit-ulit na joke ng Showtime at Eat Bulaga, canned laughter, buong hapon ng tsismisan sa The Buzz, planned vacation tuwing nagsasale ang mga airline, discount coupons sa internet, pagkain sa labas sa araw ng suweldo, marami pang iba.

Ganyan lang. Buong taong routine. Kung minsan, nagmamahal ka. Kung minsan, hindi. Pero ganyan lang talaga kasimple.

Kaya siguro hindi uso sa karamihan ng mga kakilala ko ang mga bagay na makasining. Kasi hindi naman swak ito sa kalimitang tinitignan nila bilang entertainment--halimbawa, panonood ng mga usong sine, pagshoshopping, pagkain sa labas. Ang buhay ng empleyado kasi, naisip ko, is all about being a consumer too. Kasi ang nakukuha mo sa pagbibigay ng buhay mo, pera. Siyempre iikot din ang mga choices mo sa pera. May consumer’s choice kasi sa mga bagay na popular, maski iisang bagay lang naman ang pinaguusapan. Halimbawa, kung manonood ka ng sine, puwede kang manood sa IMAX kung marami kang pera, o sa sinehang 3D. Kapag dito ka, kunwari may latoy na ang walang kalatoy-latoy na kuwento, kasi mas feel mo ang special effects. Maski sa araw ng pahinga mo, nakasakay ka sa mantra ng bagong henerasyon--YOU ARE WHAT YOU EARN. Parang mousetrap ang mantra na ‘yan e. Mousetrap na kasing ganda ng isang first class hotel. Madaling maging kumportable.

Kung minsan nawawala ang paghahanap ng “truth.” Ang laking salita niya, ang hirap idefine. Siguro masyado na ko matagal na empleyado, papunta na ko doon sa lugar kung saan hindi na tinatanong kung ano ang truth. O beauty. O tama at mali. O irony. O drama. O life. O relationships. O pag-ibig. Kumikita naman ako, kumakain ang pamilya ko. Bakit ko pa kailangan isipin ang mga bagay na iyan?

But I am ahead of myself. Iyan lang naman ang future version sa isang bangungot. Fortunately, nandun pa rin ako sa miminsang naghahanap ng “truth,” kung ano mang feel kong definition noon sa panahong maisip ko. Iniisip ko rin kung ano nga ba ang kahulugan ng beauty. At tama at mali. At irony. At drama. At life. At relationships. At pag-ibig. Lalo na itong huli. Tweetums kasi ako.

Kaya high na high ako kapag may pagkakataong nakakasawsaw ako sa anumang may kinalaman sa sining. Kasi ano ba naman ang sining kundi ang pagmumuni-muni sa mga tanginang bagay na ito, na maski anong gawin mo hindi mo mabibili.

Sa lahat ng mga karanasang makasining, pinakapaborito ko ang teatro, non-commercial theater please, kasi kung minsan pakiramdam ko isang paligo lang ang lamang mga broadway-broadway sa mga pelikula ng Star Cinema at Showtime, pero that’s just me, maski broadway-broadway puwede na rin, basta teatro, pero sana yung non-commercial, yung tinatawag na Immediate theater ni Peter Brook, o Peter Brooks. Nakalimutan ko kung may s nga ba o wala ang kanyang apelyido.

Wag n’yo na lang tanungin kung bakit. Magulo naman akong kausap, sa mga nakakilala. Basta labis akong nageenjoy sa mga bagay na raw. ‘Yung pang Batute, o anumang black box. ‘Yung first time itinatanghal. ‘Yung kinailangang magisip at magkasundo (o maski hindi nagkasundo) ang manunulat, direktor, mga artista, nagusap at nagisip kung ano nga ba ang truth, pati na rin ang lahat ng mga bagay na karugtong nito na nabanggit ko kanina. Siguro dahil sa ganitong lugar, nandiyan ang mga taong nagtanong. Mga taong marahil nakakulong din sa isang mousetrap, sa sarili nilang mga buhay, pero dahil sa pangangailangang magpalabas at magkaroon ng saysay sa sasandaling magkasama kayo sa teatro, e nagtanong. Hindi ko alam kung mahalaga kung nasagot nila ang mga katanungan nila, pero iyong pagtatanong mahalaga na iyon. At least para sa akin.


“There's just that love na nasa live performance na mahirap tumbukin, pero alam mong nandoon”

Naaalala ko ang isang train ride sa BART noong nasa Bay Area ako. Magkaharapan ang upuan doon, apatan. Nakaupo sa harap ko ang isang babaeng napakaganda. Ibang klaseng ganda. Hindi iyong tipong makikita mo sa mga fashion magazine--pandak kasi siya at medyo chubby. Basta sa isip ko, napakaganda. Pinakamagandang babaeng nakita ko pa nga, sabi ko sa sarili ko, noong nakaupo ako sa harap niya sa train. Tahimik siyang nakadungaw sa bintana, maski wala ka namang makikita doon dahil nasa underground segment kami. Hindi ko alam kung titinitigan niya ang sarili niya, o may malalim na iniisip, pero sa isip ko, lalo lamang itong nagpapaganda sa kanya. Nakasuot siya ng blouse na medyo mababa ang cleavage. Napakalusog ng kanyang mga suso, o maganda ang push ng kanyang bra. Hindi na mahalaga. Basta napakakaaya-ayang tignan. Siya iyong tipo ng taong kapag humihinga ay umaalsa ng bahagyang bahagya ang dibdib. Lahat naman tayo, umaalsa ang dibdib. Pero may mga tao na mas kaaya-ayang panoorin ito--ang pag-alsa at baba ng mga suso. Siya iyong ganoong klaseng babae. Corny ha. Patawad. Pero sa totoo lang, maiisip mo, ang ritmo ng kanyang paghinga ay kasabay ng sarili mong paghinga. At ito ang dahilan kung bakit mapapatitig ka. Hindi lamang sa dibdib kundi sa kanya. Sa pagitan ng kanyang mga suso, may peklat ng operasyon. Iisipin mo, heart surgery siguro. Hidi mo mawari kung heart surgery nga lang ba, kasi hindi mo na makikita ang ibabang bahagi ng peklat. Natatago na ito ng butones. Nandun na sa bahagi ng kanyang suso na hindi mo na dapat makita. Na ayaw na niyang ipakita. Ito. Ito ang kanyang center. Center ng kanyang kagandahan. Sabi ko, sana may zipper. Kung may zipper ang peklat, puwede mong buksan. Gusto ko makita nag kanyang puso. Sana nilabas na lang niya ang kanyang puso. Parang sacred heart. Pero maski na hindi nakalabas, maski hindi siya ang sacred heart, iyon ang naging sentro ng kanyang kagandahan.

May dala akong digital camera noon. Sa totoo lang, gusto ko siya kunan ng larawan. Ipagpapaalam ko ng maayos. Papayag naman siguro. Pero hindi ko tinanong. Tumitig lamang ako. Bumaba siya sa Embarcadero station. Naiwan akong magisa--literally, magisa sa train. Inisip ko, kanina lang nandirito ang babaeng may pilat sa dibdib na may pagkagandagandang suso at pagkagandaganda ring mukha. Ngayon wala na siya. Putangina.

Pero nagpapasalamat ako at nakita ko siya. Nasa ala-ala ko naman siya. Wala man akong picture, nasa isip ko siya. Naiwan man akong mag isa sa train, nasa isip ko na siya. Si Beauty. Wala akong maisip na ibang pangalan, pero ok na rin.

This may not make sense to some, pero ang dahilan kung bakit mahalaga ang babaeng iyon sa buhay ko ay siya ring dahilan kung bakit mahalaga ang teatro sa buhay ko--teatrong kasama ako bilang manunulat, at teatrong napapanood ko. Maski iyong mga teatro na hindi ko gaano gusto. There's just that love na nasa live performance na mahirap tumbukin, pero alam mong nandoon.

Ang lahat ng mga kakilala kong kapwa manunulat, direktor, artista, ay iba-ibang bersyon ng babaeng iyon. Nakakulong man ako sa mousetrap, ipagsisigawan ko pa ring mabuhay ang empathy, ang compassion, ang pag-ibig, ang katotohanan, ang teatro!


2 comments:

BC said...

TT0TT I want to be a theater practitioner.

Rogelio Braga said...

Isang halik-sa-hangin mula kaibigang mandudula sa Cebu, Allan. Hindi ko maturol kung ang nais ba ang maging mandudula o maging isa sa mga manonood ng mga dula. Ewan ko, pero hindi maaari na maging kabilang sa mga manonood habang ang isang mandudula ay itinuturing na mandudula. O, maaring mali rin ako. Ngunit may mga malulupit na lipunan na marahas nilang iniluluklok ang mga mandudula bilang manonood, ang mga manunulat bilang mambabasa. Pero hindi ganoonon ang ating lipunan, sa aking palagay. Nasa atin pa rin ang pagpapasiya. Anupaman salamat sa mga Salita.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Search this blog or the Web

Loading...